TIGA-S

“kape?”
amoy ng mapaklang inumin
ang siyang gumigising
sa aking paghimbing.
ang ingay ng takureng
kanina pa sumisipol
ang pipilit sa aking pagbangon.
maingay kung ikukumpara
sa kanya na naghanda ng agahan.
walang salitang iaabot ang kutsara,
ang sinangag,
ang ulam, ang gatas.
handa na lahat—
ngunit
nakakalimutang magpasalamat.

sa pag-uwi,
hatid-sundo.
hindi man lang hahalik
o magmamano.
diretso sa kwarto
o sa labas ng munting palasyo,
makikipaglaro.
uuwing pagod—
ako pati ang lalaking siyang
maghahanda ng hapunan.
sasandok,
magsasalo.
mabibilang sa kamay
ang mga salita
ng kanyang bawat tanong.
mas may ambag pa sa ingay
ng hapagkainan
ang pagtama ng kutsara
sa aming pinggan
at pagkiskis ng maliliit kong paa
habang naghihintay
sa hudyat ng orasan.
programa sa TV ang panghimagas
hanggang sa abutan ng antok,
mga matang kanina’y namamangha,
unti-unting magpapahinga.
magigising
sa gitna ng totoo at hindi—
lumulutang ba ako sa ere?
darna ba ako sa aking panaginip?
mararamdaman na lang ang lambot
ng pinaghahatiang kama.
mahihimbing muli,
mangingiti.

dadaan ang mga taon—
lumalakas ang dating mahina
at
humihina na ang noo’y malakas pa.
‘Tay, Daddy, Papa, ‘Tang,
sa katagalan,
kahit sa aming pagdadalaga’t pagbibinata,
nakaakay pa rin at nagbabantay.
haring dapat alagaan,
ngunit naging
haring mapagkumbababa,
tahimik at nagmamasid.
isang haring
kami ang napiling pagsilbihan,
pinuno ang maliit na kaharian
ng respeto at pagmamahal.

kung dati ako ang binubuhat
sa tuwing nahihimbing
ang paghinga,
ikaw naman ngayon ang aakayin,
bubuhayin,
iisipin,
mamahalin,
palagi
pasasalamatan.
umupo ka muna.
ikaw naman ang aking titimplahan.
“kape?”

Dibuho ni Xia Xinjie

Leave a comment