EDITORYAL: Gaano kayo katakHAU? 

Ang mantra na ipinangangalandakan ng Holy Angel University (HAU) na “No Student Left Behind” ay tila ba isang huwad at mapagpanggap na patutsada ng unibersidad upang mapagtakpan ang kanilang hindi maka-estudyanten polisiya na nakabatay sa komersyalisasyon.

 

Simula’t sapul, pinatutunayan ng mga unibersidad gaya ng HAU na ang kanilang prayoridad ay pera at hindi ang kalagayan ng kanilang mga estudyante. Isang manipestasyon nito ang pagratsada ng unibersidad sa enrollment para sa pangalawang semestre kahit na katatapos pa lamang ng unang semestre.

 

Matatandaan din na bago mag-umpisa ang taong-panuruan ay nagtaas ang institusyon nang 8% sa matrikula at iba pang mga bayarin nito. Ito ay kahit na may pang-ekonomiyang krisis sa buong bansa gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

 

Mas napalabong pa ang problemang nabanggit nang sa kabila ng pagtaas ng matrikula ay ang kakulangan ng mga instruktor na dinaingan ng mga estudyante, tatlong linggo mula nang magsimula ang unang semestre. 

 

Sa kabila ng nabanggit na kakulangan ay minadali pa rin ng unibersidad na matapos ang mga klase. Kabi-kabilang takdang-aralin, walang rest breaks, at tuloy-tuloy na pasok ang pinasan ng mga estudyante upang maitawid lang ang hindi makatarungang academic calendar na ipinatupad ng administrasyon. 

 

Ngayon, matapos na mairaos ang unang semestre, isang hamon na naman ang hinaharap ng mga estudyanteng Angelites—dahil anim na araw na lang ay maniningil na naman ang unibersidad ng matrikula.

Ang edukasyon ay hindi dapat maging hadlang o pahirap sa mga estudyante. Ngunit, maghahanap nanaman ang mga magulang at estudyante ng pera upang mabayaran ang malaking matrikula na pinataw ng unibersidad. Ang hangarin ng HAU na imadali ang enrollment at itaas ang matrikula ay isang masakit na ehemplo na  walang pakialam ang unibersidad sa kapakanan ng mga estudyante. 

Kung susumahin, ang kasalukuyang polisiyang pinaiiral ng HAU na nakatuon sa paglikom ng salapi ay isang malaking pagsalungat sa tungkulin nito bilang isang institusyong pang-edukasyon.  Ito ay nagpapahina sa pangunahing misyon ng eskwelahan, dahil  isinasantabi nito ang kalagayan ng mga estudyante sa ngalan ng kita.

 

Sa halip na magsilbing tahanan ng iskolastiko at pangkalahatang pag-unlad ng mga mag-aaral ay nagiging makinarya ng kapitalismo ang paaralan—isang institusyong matatawag na ganid sa pera, sapagkat taliwas sa tunay na diwa at layunin ng edukasyon ang kasalukuyang mga polisiya.

 

Napakahalagang mabigyang-diin sa HAU na ang edukasyon ay nagsisilbing serbisyo-publiko na siyang naglilinang  ng isang inklusibo at matiwasay na lipunan. Kaya naman bilang tagapagtaguyod nito, mahalagang kilalanin ng unibersidad na responsibilidad nitong magbigay ng dekalidad na edukasyong hindi magsisilbing  pribilehiyong kakarampot lamang ang makakabahagi, kundi isang pangunahing karapatang abot-kamay para sa lahat ng mga mag-aaral.

 

Gaya ng ibang mga unibersidad, nararapat lang na ipalaganap ng HAU ang mas marami pang oportunidad para sa mga estudyanteng Pilipino. Subalit, ito ay mananatiling imposible hangga’t mas isinasaalang-alang ng unibersidad ang personal at pinansyal na interes nito bago ang pag-aalok ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon.

 

Written by McGiorge David
Editorial Cartoon by Mary Rose Samson
Layout by Winston Adam Lejarde

 

Leave a comment