IN-DEPTH: Walang Pasada, Walang Aarangkada

“Kasama ko na yung jeep mula pa nung pinanganak yung anak ko, ‘yon ang nagbibigay sa amin ng pang-araw-araw pati pang baon ng anak ko, pero wala namang magagawa kung kailangan na igarahe ‘yong sasakyan.”

 

Bitbit ang takot sa kung ano ang dala ng hinaharap, ganito inilahad ni Jun, hindi niya tunay na pangalan, ang kahalagahan ng kaniyang jeep at bilang pangunahing pinagkukunan ng panustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.

 

Sa katunayan, naging isang bahagi na ng buhay ni Jun ang pamamasada. Sa sariwang oras bago ang bukang liwayway, hawak na niya ang manibela upang bumiyahe mula SM Pampanga tungo sa palengke ng San Fernando hanggang alas singko ng hapon.

 

Sa loob ng maraming taon, nagsilbi ang lansangan bilang saksi sa biyaheng panghanapbuhay ni Jun. Pero sa isang iglap, kinailangan niyang ipreno ang kaniyang sasakyan dulot ng isang mabigat na dagok.

 

Nitong ika-31 ng Disyembre 2023, inanunsyo ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na hanggang sa nabanggit na araw na lamang ang pagkakataon na “i-consolidate” ang mga prangkisa ng mga tsuper at operator ng mga jeep, bilang bahagi ng polisiyang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

 

Ang PUVMP ay isang proyekto ng Department of Transportation (DOTr) na naglalayong palitan ang mga kasalukuyang jeep tungo sa “mga sasakyang mas ligtas, komportable, at mas nakabubuti sa kalikasan.”

 

Ang unang hakbangin? Konsolidasyon ng prangkisa ng mga drayber at operator. 

 

Ang nasabing konsolidasyon ay magmamandato sa mga tsuper na isuko ang kanilang indibidwal na prangkisa sa loob ng isang kooperatiba o korporasyon, na, ayon sa DOTr, ay “makatutulong” sa mga tsuper at operator na maging mas sistematiko ang kanilang pamamasada, at higit sa lahat, ay “mapunan” ang mabigat na bayarin ng pagmomodernisa ng mga jeep sa bansa.

 

Biyaheng suntok sa buwan

 

Sa kabila ng idealistikong tunguhin ng PUVMP, hindi ito nakikitang kanais-nais ng karamihan sa mga tsuper.

 

Tulad na lamang ng pananaw ni Jun na mas pinili na lamang ilagak sa garahe ang kaniyang sasakyan sa halip na dumaan sa karayom ng proyektong modernisasyon.

 

“Hindi na, igagarahe ko na lang yung jeep, [napakaraming] pasikot-sikot tapos [maraming] gagawin…kaya wag na lang,” ani Jun nang tanungin kung nakiisa siya sa konsolidasyon ng mga prangkisa ng jeep.

 

“Pera pa din naman yon, pang baon na din yun ng anak ko pati pang araw araw namin yung nakukuha ko sa pamamasada, maswerte lang na may iba lang akong pagkukunan pero yung mga kasama ko [mamasada], wala silang ibang pagkukuhanan,” dagdag niya nang ilarawan ang mabigat na pasaning pinansyal na bitbit ng PUVMP.

 

Ganito rin ang pananaw ng marami pang mga tsuper at operator, lalo na at ang isang unit ng modernong jeepney ay nagkakahalagang P1.6 hanggang P2.4 milyon. Ang nasabing halaga ay katumbas ng arawang kita na anim hanggang pitong libong piso—halagang lubos na napakalayo sa kanilang kasalukuyang kinikita.

 

Ayon kay Jun, “Kapag masipag ka, umaabot ng isang libo mahigit [ang kita], [kapag] mahina, [ayos] na [ang] 500 piso.” 

 

Sa nasabing kita, nakikita ni Jun na sa halip na maging panghanapbuhay ay malulublob lamang siya sa utang at iba pang mga tsuper na gaya niya dulot ng nasabing polisiya.

 

Ganoon na lamang din ang dahilan kung bakit sa kabuuang bilang ng mga pampublikong sasakyan sa bansa ay tinatayang nasa 76% o nasa 145,721 lamang ang mga consolidated, ayon sa LTFRB sa pinakabago nitong ulat noong Enero 6. Ang mga ito ay papayagan ng kawanihan na magpatuloy sa pamamasada. 

 

Samantala, ang 24% na unconsolidated na mga PUV, o nasa higit-kumulang 46,000 sa bilang, ang hindi na makakapamasada sa bansa pagkaraan ng Enero 31, 2024.

 

Para sa mga tsuper, ito ay nangangahulugang kawalan ng pinagkukunan ng panghanapbuhay. Pero bukod sa kanila, isang sektor din ang apektado: ang mga mamamayang sa mga jeep umaasa sa kanilang transportasyon.

 

Sa pagkakaroon ng mas kakaunting mga pampublikong sasakyan sa daan, at ang pagbiyahe ng mga modernong jeep ay, ayon sa IBON Foundation, tinatayang aabot ng P50 ang minimum na pamasahe upang matugunan ang utang ng mga tsuper mula sa presyo ng pagbili ng makabagong mga jeep.

 

“Dismayado,” PUVMP sa labas ng metro

 

Sa kabila ng mga nasabing problemang kaakibat ng PUVMP, ay hindi masyadong nabibigyang-tanglaw ang mga isyu sa probinsyal na antas. 

 

Sa isang panayam ng The Angelite kay Edward Ferrer, pangulo ng PISTON-Rutang Angeles-Mabalacat (PISTON-RAMA), kaniyang isinaad na mas ramdam ang epekto ng PUVMP at ang mataas na presyo nito sa mga probinsya gaya ng Pampanga.

 

“Malaki ang epekto ng PUVMP sa probinsya, hindi naman kagaya ang volume ng pasahero sa [Metro Manila]. Dito, minimal lang ang pasahero, kaya paano [kami makakabayad] sa napakamahal [na] modern jeep,” wika ni Ferrer.

 

“Marami ang dismayado sa kadahilanan ng pwersahan at sapilitang pag-consolidate sa mga prangkisa. [Kaya marami ang] hindi sumama sa [consolidation] [at] patuloy na umaasa at nakikipaglaban para mapanatili ang kanilang individual franchise,” dagdag niya.

 

Para naman sa Pangkalahatang Pasada ng Angeles City (PASADA), transport group ng apat na libong tsuper sa Lungsod Angeles, isang “pabigat” lamang ang PUVMP para sa kanila, lalo na at doble-kayod ang kailangan nila upang mabayaran lamang ang isang unit ng modernong jeep.

 

“Magkano ang hulog no’n? Mahigit dalawang milyon halos ‘yon, tapos, ang hulog no’n, 40,000 [piso] a month, eh ang pasada po namin dito, minimum lang ang pamasahe namin, 13 pesos, paano po namin mababayaran ‘yon?”, lahad ni Augusto Bagtas, Pangulo ng PASADA sa “Lingkod Bayan” na radyo-programa ng lokal na pamahalaan ng Angeles.

 

“Ang mahal pa ng krudo, paano natin mababayaran ‘to? Baka pagdating ng araw, wala na kaming jeep, wala pa ang pera namin,” dagdag ni Bagtas.

 

May mga argumentong pumapabor sa franchise consolidation na makatutulong ito sa mga tsuper dahil hindi na nila sasagutin ang rehistro, pagpapaayos, at insurance ng mga jeep, pero naniniwala ang PASADA na isang patsada lamang ito sa mas malalim pang papasanin ng mga tsuper.

 

“Nasasabi lang na ang mga unit ay nasa [kooperatiba], kaya ang [kooperatiba] ang [magpapasan] sa mga maintenance. Ngayon po, sino ba ang mga nasa [kooperatiba]? Ang mga drayber at operator din po eh. Sila rin po ang [magdurusa] sa lahat ng gastusin ng [kooperatiba],” explanasyon ni Ferdinand Manalo, Pangalawang Pangulo ng PASADA.

 

Laban sa pag-arangkada

 

Para sa maraming tsuper at drayber, tigil-pasada at protesta ang isa sa kanilang mga kaparaanan para iapahatid ang kanilang pwersang nagkakaisa, maging ang kahalagahan ng pasada ng mga jeep sa pag-arangkada ng araw-araw na galaw ng lipunan.

 

Kamakailan lamang, ang MANIBELA, kaagapay ang PISTON, ay nagsagawa ng pambansang protesta laban sa PUV modernization program noong Enero 16, ngayong taon makalipas ng isang buwan sa huli nilang strike. Bilang paglilinaw, kaiba itong protesta ng grupo sa mga nauna nang naisagawang transport strike, kung saan ito ay isang malawakang mobilisasyon upang ipagpatuloy ang panawagan kontra PUVMP.

 

“Gusto po natin i-panawagan sa ating pangulo ang pagbalik sa mga ni-revoke na prangkisa ng ating mga kasamahan, lalo na sa hanay ng mga operator. Dahil kawalan ng pagkakakitaan ang dulot nito sa ating mga drivers at operators at kawalan ng masasakyan ng taumbayan,” ani Mar Valbuena, tagapangulo ng grupong MANIBELA, nang tanungin sa layunin ng nasabing kilos-protesta.

 

Ngunit, sa mga lugar ng Pampanga, tulad sa Siyudad ng Angeles at Mabalacat, madalang kung makikita ang kanilang paglahok sa mga protesta. 

 

Nang tanungin kung bakit hindi na lumalahok sa mga transport strike ang mga nagkakaisang tsuper at operator sa Angeles, inilahad ng grupo na hindi na sila nagtitigil-pasada dahil consolidated na raw ang mga prangkisa nila.

 

Para naman sa ibang pangunahing kalye ng Pampanga, gaya na lamang sa Lungsod ng Mabalacat, isa sa mga rason kung bakit may kakaunting instansya ng protesta at tigil-pasada ay ang pagkakaiba ng mga ruta ng mga drayber, ayon kay Clifford Piñera, tagapamahala ng People’s Struggles na sangay ng University of the Philippines – Clark-Subic Student Council.

 

“Kadalasang ugat ng kawalan ng koordinasyon pagdating sa transport strike ang pagkakaroon ng iba’t ibang mga ruta. Kung ikukumpara sa Angeles City na binubuo ng iba’t ibang mga ruta, maging na rin ng mga terminal at asosasyon ng tsuper at opereytor, hindi hihigit sa lima ang mga pangunahing dinadaanan ng mga jeepney sa Mabalacat City,” pahayag ni Piñera.

 

“Marapat lang din isaalang-alang na ang kalakhan ng mga jeepney sa Mabalacat City ay nakapaloob sa PISTON-RAMA na bahagi ng Manibela. Kung gayon, higit na mabilis silang i-organisa pagdating sa transport strike,” kaniyang dagdag na wika. 

 

Sa kabila ng kakulangan ng mga organisadong mobilisasyon at tigil-pasada sa Pampanga, tanan pa rin ng mga drayber at operator ang malakas na pagtindig kontra sa PUVMP, na para sa kanila ay hindi makamasa at magpapahirap lamang sa kanila.

 

“Pero karas pu kareng modernization, kayabe kami pu kareng lalaban, uling e mi noman pu agyung baldugan deta (Pagdating sa modernization, kasama kami sa mga lumalaban, dahil hindi naman namin kayang hulugan ang presyo ng mga iyon),” saad ni Bagtas.

 

Kabilaang laban

 

Isang naratibong dapat pang tignan sa isyu ng PUVMP ay ang papel ng mga malawakang organisasyon na kabilaang lumalaban para sa kapakanan ng mga tsuper.

 

Ayon kay Piñera sa isang panayam kasama ang The Angelite, tiyak na hindi mahihiwalay ang laban ng mga tsuper sa laban ng mga kabataang komyuter dahil “multisektoral ang epekto ng PUVMP.”

 

“…Ang pagpapahirap sa mga tsuper ay pagpapahirap din sa mga kabataang komyuter. Kung gayon, malaki ang papel na ginagampanan ng mga grupong kabataan sa pagpapalakas ng panawagan ng mga tsuper at opereytor,” giit ni Piñera .

 

Makikita ang mga kabataang masang organisasyong na nagmamartsa kasama ang mga tsuper sa gitna ng matinding init at pagod. Sa patuloy at walang humpay na pagkilos ng mga organisasiyon ng mga grupong kabataan sa kasalukuyan, naging itong isa sa mga pangunahing pwersa sa pagboboses laban sa PUVMP.

 

“Sa kasalukuyan, makikita natin na ang mga pagkilos na inoorganisa ng mga grupong kabataan ay ilan sa mga pangunahing pwersa na naglalayong palakasin ang ahitasyon ng masa, pataasin ang antas ng kamalayan ukol sa isyu, at palawakin ang suporta na nagmumula sa iba’t ibang sektor,” saad ni Pinera.

 

Ipinahayag niya rin na pinapangunahan ng iba’t-ibang organisasyon ang kanilang suporta sa paglalahad ng “komprehensibong infographics, maiikling bidyo, online educational discussions, at iba pang mga digestible media content” para mas ipaalam ang impormasyon sa masa, lalo na sa mga komyuter. Kasama na rito ang paggamit ng iba’t-ibang plataporma ng social media sa pagsulong at pagboses ng suporta laban sa PUVMP, tulad ng mga DP blasts at online rally.

 

Ngunit sa kabila ng mga nasabing inisyatibo, hindi masyadong nabibigyang tanglaw ang mga galaw na ito sa Pampanga, lalo na at limitado lamang ang mga balitang tumatalakay rito.

 

Halimbawa, mga media outlets gaya ng CLTV36 News, Mabalacat City News, College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ng Gitnang Luzon, AlterMidya, at mga lokal na publikasyong pang-estudyante lamang ang nag-uulat ng mga kaganapan at pagbababa ng impormasyon tungkol sa mga jeepney strike. Dahil dito, hindi naibababa nang maayos ang impormasyon sa masang komyuter, ayon kay Piñera.

 

“Sa kasamaang palad, hindi ganoon kalawak ang media na natatanggap ng mga pagkilos sa Pampanga na naglalayong magpakita ng suporta sa transport strikes. Ang nakikitang [epekto] nito ay ang kawalan ng malawakang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga isinasagawang mobilasyon dahil sa banta ng panghihimasok ng kapulisan,” ani Piñera. 

 

Gayon pa man, hindi maitatatwa na patuloy na nag-aalab ang laban ng mga tsuper at organisasiyon ng mga grupong kabataan para sa indibidwal na prangkisa upang magpatuloy at mapanatili ang kabuhayan ng mga jeepney drayber sa bansa. 

 

Gaya ng pagkagarahe ng jeep ni Jun, isang katotohanang hindi maitatanggi na sa pagpapatuloy ng modernisasyon ng mga jeep sa bansa, ay mas marami pang mga pamosong hari ng kalsada ang hindi na matatanaw pa, at, alinsunod dito, ay maraming tsuper at operator din ang mawawalan ng pagkukuhanan ng pantustos sa araw-araw nilang pamumuhay. 

 

Kaya ganoon na lamang ang panawagan na repasuhin ang pagpapatupad ng PUVMP, nang sa gayon, ay hindi maiiwanan si Jun, at ang daan-daang libo pang mga drayber at operator sa biyahe ng reporma o pagbabago.

 

“Mensahe po [namin], sana muling pag-usapan at pag-aralan ang pagpapatupad ng PUVMP para mapa-implement ng maayos at walang maiiwanang individual franchise. Dapat po ang PUVMP ay ilatag sa lahat at dapat dito [sa Pilipinas] gawin ang mga modern jeep [nang] sa gayon ay makapaglikha pa ng maraming trabaho at walang madidisplace na kababayan natin na driver at operator marami pa ang makikinabang,” wika ni Ferrer.

 

Sa mga sumusunod na mga linggo ay tiyak mas marami pang mga unconsolidated na mga jeep ang mawawalan ng karapatang pumasada. At habang marami ang hindi makakapasada, ang iba’t ibang sektor ay nakikitang matitigil din ang pag-arangkada ng lipunan.

 

Ang jeep ni Jun, at ng marami pang gaya niya, ang testigo sa kwento ng kanilang pagsisimula, pagkita, at pagkakaroon ng ikabubuhay. 

 

Kaya nakaparada man, patuloy ang kanilang biyahe tungo sa laban ng mga gaya niyang tsuper—labang tumututol sa polisiyang magbabaon sa kanila sa bundok ng utang at hirap, labang tumututol sa pagtaas ng pamasaheng maging ang mas malaking masa ang maghihirap.

 

Editors’ Note: “Jun” asked for anonymity, hence, the alias to protect the identity of the interviewee.

Ulat nina Godwin Pring at Khayla David

Leave a comment