Akala mo’y makata si tatang, may hawak na ballpen at papel habang nakangiting sumusulat. Gumagawa pala siya ng listahan ng kanyang “new year’s resolution”. Akala mo’y masaya ngunit bakas sa mga mata nito ang labis na lungkot at pagsisisi.
Hindi mo aakalaing isang sisenta anyos na tulad ni tatang ay patuloy paring gumagawa ng tradisyong tulad nito na kung tutuusin ay mas patok sa mga kabataan. Ngunit hindi niya ito alintana, sige parin siya sa pagsulat.
Makapasada at umasenso, mga katagang inilista niya, ngunit kung kahit na kay tagal niya na ang mga ito’y binabalak makamit, pero wala ilang bagong taon na rin ang nagdaan ngunit narito siya umaasa parin.
Nakilala raw itong si tatang bilang mabait at magaling na tsuper noong araw. Paborito siya ng mga estudyante dahil sa kaniyang pagka-kwela, ngunit siya rin daw ay may matigas na ulo at sarado ang pag-iisip. Wala siyang pinakikinggan ngunit ang sarili niya at ang mga taong nagsabing “sama-sama tayong aangat” kahit sila rin ang dahilan ng pagtigil ng kaniyang pasada.
Ilang taon pa kayang gagawa ng new year’s resolution si tatang? Taon-taon na lang ba siyang ganito? Sampung taon na rin kasi matapos iphaseout ang mga jeep eh, at sa rami ng bagong taon na iyon, heto, wala pa ring pagbabago.
Sulat ni Ray Allen Paguinto
Dibuho ni Ruu #LiterarySaturdays