Sa Pamimitak ng Araw

Sa pamimitak ng araw,
didilat ang mata
at masisilawan sa tindi
at lakas ng mga sinag.
‘Pagkat sa bawat silahis,
namumuo ang sakit
sa pagsasamantala
nang walang pakunwari.

Sa pamimitak ng araw,
ang dinastiyang marangya
at magsasaya’t magsasayaw
nang walang habas ng hiya.
‘Pagkat lantarang kasakiman
ang karangalan ng mga poon –
datihang naghihintay sa buwan,
nagsisilabasan na ngayon.

Sa pamimitak ng araw,
magdidiwang ang palasyo
at maiibsan ang pagkauhaw
sa pagpapadaloy ng dugo.
‘Pagkat sa kamay ng mga hari,
ang pulso ay ginigipit,
at sa pagbabagong minimithi,
hinihigpitan ang pagbigti. 

Sa pamimitak ng araw,
magpapakita ang mga halimaw
at sa init ng bansang galit,
sila ay ngumingiti.
‘Pagkat sa pagpapatahimik
at pagbabalot ng mga ulo,
ang dating naipatalsik
ay naipapabalik sa puwesto.

Ngunit.
Sa pamimitak ng araw,
ang itak ay ipapatalasin
at ang kamay ay bibiyak
sa kapangyarihang nag-aalipin.
‘Pagkat ang diktaturyang
parasitikong
harapan kung manggahis,
ay matututong yumuko
sa tindi ng ating silahis.

Leave a comment