Tumambad sa mga miyembro ng Malayang Kilusang Samahan ng Tinang (MAKISAMA-Tinang) kahapon nang umaga sa kanilang lupa ang mga wasak, binunot, at inalis na mga muhong ikinabit ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pamamagitan ng Bureau of Land Tenure Improvement (BLTI).
Ayon sa isang Facebook post ng MAKISAMA-Tinang, nakita ng mga saksing nagmamaneho ng traktora si Jose Villanueva, ang tatay ng Mayor ng Concepcion na si Noel Villanueva, sa isang bahagi ng lupang nilagyan ng muhon at itinalagang para sa naturang grupo.
“Ang nasabing bahagi ng lupa ay nagpapatuloy na tinataniman at malaon nang pinakikinabangan ng tatay ni Mayor na hindi naman holder ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) kailanman,” saad ng Tinang,
Dagdag ng grupo, tanda rin ng hindi paggalang sa desisyon ng DAR Central Office at hindi pagkilala muli sa karapatan sa lupa at pagbubungkal ng mga magsasakang itinanghal ng mga “orihinal, lehitimo, at kwalipakadong benepisaryo” ang pagsira sa mga muhong ito.
Panawagan sa DAR
Dahil sa insidenteng ito, nananawagan ngayon ang grupo sa DAR na panagutin ang sumira ng mga muhon na anilang pinagkagastusan pa ng buwis ng mamamayan.
Bukod pa roon, kanilang hiniling sa kagawaran na pabilisan na ang pagtatalaga sa kanila ng lupang dapat na mabungkal ng MAKISAMA-Tinang.
“Kayo na [rin] naman [ang] may sabi na matagal na ang ipinaghintay namin,” aniya Tinang. “Sabi pa nga po ninyo, “Justice delayed is Justice denied.””
Matatandaang nakatanggap na ng pinal na desisyon ang nasabing grupo noong Marso ngayong taon na iginagawad na sa kanila ang lupang deka-dekada nilang ipinaglaban. Gayunpaman, hindi pa pormal na naitalaga sa mga magsasaka ang kanilang lupa hanggang ngayon.
Written by Sophia Rose Suarez
Layout by Winston Adam Lejarde