BAKOM

Nawawala yata ako.

Mali yatang ito ang sinubukan. Mukhang nagkasubuan na lang.

Saan nga ba ako makakarating pagkatapos? Minsan, parang naglalakad ako na may suot na piring. O ‘di kaya yung pakiramdam na parang may mali, parang may kulang.

Na baka magkaiba pala ang medyas na suot. Baka hindi nakatali ang mga sintas. Baka may muta pa sa mata. Baka isang hikaw lang ang naisuot. Baka hindi nakapagsipilyo.

Baka lagi na lang mangingilo.

Baka dapat sa tabi ng dagat ako maglakad. Baka mali na sa bundok naghahanap ng pagtatapos. Baka naman sariwang asin at hindi sariwang hangin ang kailangan para magising. Baka masyadong matarik itong bundok; baka hindi naman maabot ang tuktok. Baka madulas lang, mahulog, mabagok.

Baka patuloy na lang na mawawala.

Ikalawang taon ko na sa pag-akyat pero parang nangangalawang na ang turnilyo ng gamit na tungkod. Parang nauubos na ang dahilan ng pagpapatuloy. Baka dapat sa himpapawid sumubok.

Tumatanggap ba sila doon ng taong nasa ulap na ang utak, ng babaeng may isipang laging lumilipad? Baka kasi sa bughaw may pagkakataon at hindi sa berde o tsokolate. Baka kasabay ng ulan ang pagbuhos ng swerte. Baka nakatala katabi ng mga bituin. Baka sa pagsikat ng araw ay mawala na ang bigat. Baka lumawak ang ngiti ng buwan sa aking pagdating.

Baka hindi na magkamali. Baka makawala na sa pagkawala. Baka hindi na magtaka.

O baka ganito na lang talaga. Ganito na lang muna. Baka kailangan pang maglaan ng dalawang taon at tahakin pa ang ganitong daan. May matututunan din naman. May matututunan pa naman. Hindi man bumuhos ang ulan, wala mang bagyong dumaan, siguro’y may pag-asa naman.

Baka mapunan din ang pagkukulang sa paglipas ng panahon.

Teka, babaliktarin ko lang muna ‘tong uniporme ko. Baka sakali, sa susunod kong paghakbang, maging tama na ang diskurso ng buhay na ‘to, magkaroon na ng saysay sa kursong ito. Baka sakaling tama na ang pagsalaysay ng mga pangamba at panghihinayang. Baka sakaling… huminto na ang mga baka sakali.

Leave a comment