mayday, May Day!

Ipit ang mga kamay,
Hindi makagalaw.
Hindi magampanan
Ang trabahong sa’yo’y binansagan.
Walang gawa,
Walang magawa.
Lahat ba’y kukunin na lang sa
Awa?
Sa dasal? Dahil
Sa ngalan ng Ama,
Hindi alam paano kakayod,
Makibaka sa susunod na umaga.
Kung alin sa tatlo
Ang lalampasan muna:
Agahan, tanghalian, hapunan.
Titiisin ang pagkalam
Ng sariling sikmura,
Dahil kahit anong mura
Ng bilihin sa ganitong panahon,
Barya lang ang tanging ginto.
Walang magawa,
Walang gawa.
Ang anak ang nagdurusa.
Hindi mapawi ng halik
Ang tiyan niyang namimilipit.
Nais ipaintindi
Na ang mga magulang na umaalis
Noon
Ay kailangan sa loob
Manatili’t mag-ikot
Hanggang sa tawagin ng mga nangangailangan.
Parang superhero na ang kapa’y nakabalot,
Pantakip sa ngiting may nginig na nakahalo.
Na ang sandata ay sari-sari—
Mula sa salamin hanggang sa walis,
Mula sa mikropono hanggang sa bota,
Mula sa hindi pagligo hanggang sa pag-uwi nang pagod.
Tumawag na sa lahat ng santo
Para sa kaunting tapang ng loob
Dahil kailangan lagpasan ang kahapon,
Kahit kinabukasan na ang inaampon
Ng isipang gulong-gulo.
Bubuksan ang palad
Para sa munting pag-asa.
Minamasdan ang taas-baba ng mga numero,
Ng mga kaso na
Sabay sa paglipat ng mga araw
Hanggang sa ang buwan ay maging Mayo
Uno,
Kayo’y nangunguna sa digmaan
Laban sa kahirapan, sa
Ulan, sa walang kasiguraduhan.
Mayo
Uno,
Kayo’y mangunguna
Sa aming isipan
Kapag sumikat na ang araw,
Dala ang pagbati’t ngiti
Ng hinihintay na tagumpay.
Mayo
Uno.
Walang magawa,
Walang gawa—
Ngunit hindi titigil
Ang Pilipinong manggagawa.
Salamat.

 

Collage Art ni Marienel Calma

Related Posts

Leave a comment