Matagal na makulimlim rito, sa katunayan hindi ko na maalala kung kailan huli suminag ang araw. Sa bawat sulok dama ang paghahasik ng takot, ang sapilitang pagsupil sa mga boses. Kailan lang may dinakip doon sa may kanto, masyado raw bulgar ang pananalita at iyon ang pinaka ayaw nila. Marami na rin ang napilitan manahimik na lang pero mas marami ang tumitindig kahit minsa’y nanginginig ang boses.

“Junk terror bill!”, ang sigaw nila sa lansangan, kalat-kalat ang tinig at dinig ang kalinawan ng mga boses sa kabila ng takip sa bibig. May mga bitbit na plakard at magkakahiwalay silang nagmartsa, habang nakamasid ang mga militar. Andiyan din ang mga pambabatikos, Mga bayaran! Umuwi na lang kayo! Takot kasi terorista! Sa mga ganoong pagkakataon, siguro nakakapanghina ng loob pero hindi dapat tayo titiklop.

Kailan rin may personal na pag-atake akong natanggap, matalino raw ako ngunit nagpapalinlang. Sa hulihan nabanggit na huwag daw magpapalinlang sa mga tulad namin, pero sino ba ang tunay na mapanlinlang? Hanggang ngayon wala pa rin lehitimo at konkretong plano para sa mass testing sa kabila ng anunsyo no’ng Abril. Madaming pagkakataon na rin may pagtatangka sa ating soberanya, sa mismong pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino ngunit bawat pagkakataon ay pagkabigo.. Mukhang wala na rin ibang tatanggol sa atin kun’di tayo tayo na lang.

Ngayon nasa yugto tayo ng papalapit na dilim, pahigpit nang pahigpit ang tanikala— ang hirap na huminga. Sa panahon ngayon, hindi opsyon ang manahimik laluna’t ang mismong boses natin ang nakataya. Akala malaya, deka-dekada sinusubo sa atin ang huwad na kasarinlan. Sa mga isla natin iba ang umuokopa, habang ang mga pulis at militar ibang interes ang pinaglilingkuran, ultimo mga nakaupo hindi kaya sundan ang mga sariling panukala. Ahh malaya, malayang manlamang ng kapwa.

Sa ilalim ng Terror Bill, walang puwang ang mga panawagan nating mapagpalaya at maisasabatas ang walang basehan na pagtatak sa mga mamamayan bilang terorista. Marami na ang nagkaisa para sugpuin ang panukala, para iparating sa mga mambabatas na hindi ito tama, sobra na. Kaliwa’t kanan ang patayan, kasabay pa ng pandemyang hindi matanaw ang katapusan. Mga mamamayan kumakalam na ang tiyan, yaong iba inaresto pa nga. Ngayon nga’y lantaran na ang kilabot, paano pa kaya ang magiging kalagayan natin sa pagpasa ng Terror Bill.

Sa kabila ng lahat ay may mga nananatiling matatatag at patuloy na naniniwala, hindi sa mga salita ng sinumang pulitiko o kaya naman silang nagwawalang-bahala na lang. Mga masa na patuloy lalaban nang walang-kapaguran sa mukha ng tiranya. Mga kamaong lagilagi tataas sa ngalan ng pagkakaisa ng diwa. At ang simbuyo ng damdamin, ang pagiging likas na rebolusyonaryo natin kailanman ay hindi papawi. Ang hamon na kasin-tanda na nila Andres, “Kabataan, handa ka bang paglingkuran ang sambayanan?”

 

 

Related Posts

Leave a comment