Sa pula o sa puti

Babala: Ang mga sumusunod na pahatid na mga mensahe ay may kakayahang mang-inis at manindak sa mga kulang sa pansin at sa mga mahihilig magpapansin. Ngunit ang masasabi ko lang ay wala akong pakielam. Bato-bato sa langit, ang matamaan ay ‘wag magalit!

Sa pula o sa puti: Sino ang magwawagi? Ngunit isang tanong, isang sagot. Babae ka ba o lalaki? May bumalot bang pagkabagabag sa’yo? Kaibigan, ipagpatuloy mo lang ang iyong pagbabasa. Kung ni isang hapyaw ng sapantaha sa iyong kaibuturan ay huwag ka masayadong makampante. Malay mo, may hindi ka pa naaaninag sa kailaliman na misteryong bumabalot sa iyong kasarian.Para sa mga may hinuhang banal na maituturing, dalawa lamang ang kasariang katanggap-tanggap sa mundong ibabaw at sa lipunang iyong ginagalawan na nakasaad na rin sa Sagradong Kasulatan. Bagamat naglipanan na ang pagkagulo at pagkalito na ang lumagok sa alinlangan kung ano nga ba talaga ang sekswalidad ng mga tao.

Hindi pa diyan nagtatapos ang argumento, mas pinaigting pa ito ng mga “kelot” na may pusong mamon at mga dilag na ang hanap din isa ding dalaga, hindi pa nagtatapos diyan at may isa pang usapin pa ang hindi matapos tapos at nagnanasang maliwanagan. “Opo tomboy ako. Bahala na po kayo, Lord. Alam ko naman pong Siya yung nagga-guide sa akin. Ang dasal ko po, sana po, eventually po matanggap po ako ng mga tao na gusto kong matanggap ako— meaning yung family ko po. Sa mommy ko, kay Carl, sana po mas naging open pa ako, mas naging honest pa po ako. Sa lahat ho ng ibang mga kabataan diyan na ka-age ko, mga tao na pinagdaraanan ito, always be true to yourself. Alam natin sa sarili natin kung sino ka, life is too short to play games. Just be free” Ang pahayag na ito ni Charice Pempengco ay ang hudyat na siya ay buong pusong nagladlad na sa publiko bilang isang ‘tomboy’.

Oo, ang mga bisexual, bakla, at tomboy ay nagmamahal ng walang alinlangan sa kung anong kasarian ang kanilang mapupusuan at iibigin. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga mga tinatawag na “sireyna” at “paminta” ay mga lalaking nahuhulog sa kapwa nila lalaki sapagkat hindi nila mapag kakaila na sila ay may pusong babae. Sa kabilang banda naman, ang mga “kute” naman ay ang mga babaeng na tila ang kilos, pananalita, pananamit at damdamin ay panlalaki na may damdamin para sa kapwa niya babae. O kaya naman ang isang “bisexual” o “bi” na lalaki o babae ay kapwa pumapatol sa anumang kasarian.

Buhol na talibugso na mga pangangatwiran ay ang nagpapasadlak sa diwa ng taong-bayan. Kung ika’y isa sa mga nabanggit at may tinatagong lihim ng pagtingin sa kapwa mo babae o lalaki sa hindi inaasahang pagkakataon ay kung maari lamang ay huwag ka masyadong maghisterikal sapagkat ang humanga sa kapareho mong kasarian ay normal lamang maliban na lang kung ang iyong “paghanga” ay may kalakip na romantikong saloobin at damdamin, wala namang dapat ipangamba kung ganon nga ang iyong nararamdaman kung alam mo ang iyong hangganan nang hindi na umabot pa sa puntong magulumihanan ang iyong gunita.

“Salot sa lipunan” kung ituring ang mga taong kabilang sa LGBTQ community. Animo’y parang isang ketongin ang mga taog ito kung ituring na tila bagang isang taong may malubhang sakit na nakakahawa. Kaliwa’t kanang pangungutya ang kanilang natatanggap, mula sa kanilang sari-sariling pamilya hanggang sa kanilang mundong ibabaw na nagreresulta sa pagkahabag sa sarili at kawalan ng kumpyansa. Isa lamang yan sa mga suliraning hinaharap ng mga miyembro ng LGBTQ community.

Nakakalungkot at nakakabalisa kung iisipin mo na madami ang nananaghoy na ang kasalukuyang henerasyon ay tumutugon ng positibo sa pagkapantay-pantay ng iba’t-ibang sekswalidad sa lipunan. Isa itong malaking kasinungalingan na kahit balabaliktarin mo ang mundo, meron at merong tumutuligsa at diskriminsayong nagaganap mula sa simpleng paggamit ng palikuran hanggang sa karapatang magtamo ng pagmamahal at pagtanggap mula sa lipunan na mapanghusga. Taliwas man sila halos sa paningin, sila ay may damdamin din.

Isa pang katanungan ang namamalagi sa isipan, bakit hindi magawang matanggap ng sangkatauhan ang mga taong ito? Dahil ba ito sa Banal na Kasulatan o baka dahil sila ay nagsasantu-santohan? Sinasabi sa Banal na Aklat na mahal ng Diyos ang bawat nilalang na nabubuhay sapagkat sila ang tao ang kanyang pinakamataas na likha. Ngunit, hindi man diretsahang nakasaad na hindi Niya tanggap ang mga pangatlong uri ng sekswalidad, mapapaisip ka na lang na isa itong kabalintunaan sapagkat ang mga bisexual, bakla,tomboyat transgender ay hindi maikukunbling tao din at kung totoong may pagsibulan ng pag-ibig ang isang nilalang hindi ba’t nararapat na sila ay iyong tanggapin hanggang sa kaibuturan ng kanilang pagkatao?
Tatag ng loob lakas ng paninindigan upang ika’y makasabay at makatagal sa lipunang ito sapagkat kung ikaw ay naging mahina, tiyak na ikaw ay maaalipusta. Hindi mo kailangan magbalatkayo upang ika’y matanggap sa mundong mapagpanggap. Malaman mo dapat ang paraan ng pakikisama upang ika’y tuluyang matanggap. Kung maaari, ikaw ang umintindi sapagkat mahirap magpaliwanag sa mga taong sarado ang utak. Iyon bang tipong kailangan mong maging mapagkaila masabi lang na ikaw ay kabilang sa kanila? Kaibigan, hindi mo lang niloloko ang ibang tao, niloloko mo din ng mas higit ang sarili mo.

Para sa mga tinamaan: Ngayong nagkaroon ka na ng ideya sa mensaheng nais iparating, sana naman ay huwag ka nang magbulag-bulagan at magtaingang kawali pa. Ikaw rin, baka pag ipinagpatuloy mo ‘yan ay ika’y matuluyan. Tigilan mo na ang pagbabalat-kayo at oras na para ikaw ay magladlad at ipagsigawan mo ang tunay na kulay mo. Para naman sa mga maka astang akala mo’y sila’y malinis, mag isip-isip ka nang isang daang beses bago mo gawin o sambitin. Tandaan mo, tao din ang mga miyembro ng LGBT community at hindi sila dapat iwasan na parang taong leproso. Wala silang sakit na nakakahawa bagkus kayong mga mapanghusga ay ang may malalang karamdaman. Karamdaman sa kababawang pag-iisip.

Para sa mga hindi makasabay: Tigilan niyo na ang pagpapasakit sa inyong mga sarili na pilit niyong intindihin ang lahat ng ito para hindi na umarangkada ang inyong pagkabalahaw. Kumak andili ang umiintindi. Sa pula o sa puti: Sino ang magwawagi? Sa pula, huwag umastang lahat ng pagkakamali’y sinasadya sa pagsindak sa pagpuna sa kapwa. Sa puti, kasama na nais payuhan ako sana’y huwag kamuhian. Yakapin at tanggapin ang kalingatan sa dangal ay hindi magiging kabawasan dahil sa huli, ang bahaghari ang magwawagi.

“Pride will only cease to be a protest when there is nothing left to fight for.”
Ang balunlugod ay isang kilos protesta; ang aninag nito ay ang buhay at ang katahimikan ay kamatayan, walang sinuman ang makakabili sa aming kapalaluan dahil ang pagmamahal ay siyang magwawagi.

Related Posts

Leave a comment